Anim katao ang nasawi matapos gumuho ang pader sa isang construction site sa Barangay Kaybagal Central, Tagaytay City nitong Lunes ng gabi.
“As of 12:45 p.m., the last remaining body was already recovered. All accounted na po. Six confirmed dead as per [chief of police of Tagaytay City Police Station],” ayon kay Philippine National Police spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
Sa naunang panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Tagaytay City Police chief Police Lieutenant Colonel Norman Rañon, na isa na lang sa walong biktima ang hinahanap.
“Walo kasi lahat ng biktima natin. Tatlo ang na-retrieve na — dalawa doon ay stable pa ang condition, isa ang dead on arrival sa ospital,” anang opisyal.
“Sa lima pong natirang ito ay nakita na po namin ang apat na katawan. May isa pang hindi naa-account as of now,” dagdag niya.
Sa police report, sinabing gumuho ang kongkretong pader dakong 6:20 p.m. nitong Lunes.
Ayon sa pulisya, nasa kanilang barracks ng 3-13 Construction ang mga biktima nang gumuho ang pader ng Hortaleza Farm dahil sa pag-ulan at nadaganan sila. —FRJ, GMA News