Patay ang isang binatilyo matapos umano masuntok sa leeg ng kaklaseng naalimpungatan.
Ayon sa mga pulis, dead on arrival sa ospital ang 17-anyos na lalaki matapos umanong suntukin sa leeg ng kanyang kaklase sa Guinayangan, Quezon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nag-overnight sa isang resort ang magkakaklase bilang selebrasyon sa kanilang senior high school graduation.
Kinaumagahan umano pauwi na ang magkaklase, kaya ginising ng biktima ang suspek.
Naalimpungatan umano ang suspek at nasuntok ang biktima at tinamaan sa may Adam's Apple .
Isinugod sa ospital ang biktima, at ayon sa mga doctor, respiratory failure secondary to blood trauma sa lalamunan ang posibleng ikinamatay nito.
Iginiit ng kanyang kaklase na hindi niya sinadya ang nangyari. Nasa kustodiya na ng mga pulis ang suspek. —LBG, GMA News