Isang lola na 80-taong-gulang ang nasawi matapos na masalpok ng motorsiklo habang tumatawid sa Calauag, Quezon.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Nelia Encallado.

Naaresto naman ang rider ng motorsiklo na si Ericson Lasalita.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nangyari ang insidente noong Linggo sa Calauag-Guinayangan Provincial Road.

"Tumawid po yung matanda pero bigla pong nagbago ng isip, bigla pong bumalik kaya po...ito pong ano [rider] ay hindi agad nakapreno at nabangga nga po itong ano [biktima]...napahampas nga po ang ulo sa kalye," ayon kay Police Major Reynaldo Panebe, hepe ng Calauag Police station.

Isinugod sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay dahil sa dami umano ng dugo na nawala sa kaniya.

Ayon pa sa pulisya, nagkaareglo na raw pamilya ng lola at ang rider matapos mangako si Lasalita na sasagutin ang lahat ng gastusin sa pangyayari.

Pero sinabi ni Penebe na kailangan tuparin ng rider ang napagkasunduan para hindi ituloy ang demanda.

Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng pamilya ng biktima at ng rider, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA News