Natagpuan ang bangkay ng isang 23-anyos na babaeng industrial engineer sa masukal na lugar sa Malolos, Bulacan na ilang araw nang nawawala.
Sa ulat ni John Consulta, sinabing noong Sabado huling nakitang buhay ang biktimang si Princess Dianne Dayor para pumasok sa trabaho.
Pero ayon sa tiyahin ng biktima, may katrabaho ang biktima na tumawag sa kanila dakong 10:30 am at tinanong kung maysakit ba si Princess dahil hindi ito dumating.
Mula noon ay hinanap na si Princess hanggang sa matagpuan ang bangkay niya nitong Martes ng hapon sa masukal na lugar. Nagsisimula nang maagnas ang bangkay ng biktima kaya nagkaroon ng masangsang na amoy na nakatawag ng pansin sa mga dumadaan.
Nakasubsob sa lupa ang biktima at may bakas ng sakal.
Mayroong kasuotan ang biktima nang makita at suot din niya ang ilang alahas. Pero nawawala ang kaniyang cellphone.
Hinihinala ng mga kaanak ng biktima na residente sa lugar ang salarin. Hustisya ang kanilang hiling.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, at isasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng biktima. --FRJ, GMA News