Nakunan ng video ng isang concerned citizen ang paglalagay sa hukay ng isang asong buhay pa sa San Mateo, Rizal, ayon sa ulat ni Mav Gonzales sa Unang Balita nitong Lunes.

Makikita sa video na nakatali ang aso habang nasa hukay ito. Kita rin ang dalawang lalaking nakatayo katabi ng hukay sa harap ng isang simbahan.

Base sa blotter sa Barangay Silangan, nadaanan ng kumuha ng video na si JD Toreja na hinihila ang aso noong Huwebes ng hapon. Akala raw nila ay patay na ang aso, pero nang paluin at tusukin ng tubo ay umiyak ito.

Doon na raw nila maisipan kumuka ng video.

"Ini-expect nila ay patay na, yun pala ay buhay pa. Agarang pinuntahan ng aking mga barangay pulis dahil may isang constituent na nagsabi na may asong inililibing," ani Larisa Adora, chairperson ng Barangay Silangan.

Ibinigay ng barangay ang aso sa Strays Worth Saving (SWS) na isang non-government organization. Dinala pa sa beterinaryo ang asong pinangalanan nilang Church pero kalaunan ay namatay din ito dahil sa mga injury.

Sinusubukan pa ng GMA News na kunin ang panig ng mga lalaking nasa video. Pinuntahan nito ang simbahan pero wala doon ang mga lalaki sa video.

Ayon sa local leader ng simbahan na tumangging humarap sa kamera, trabahador ang mga lalaki sa construction sa harap ng simbahan. Ayon daw sa kanila, iniwan lang sa harap ng simbahan ang aso na mahina na at may mga galis.

Dagdag pa ng nasabing local leader, naawa sila sa aso at para hindi na bumaho ay inilgay ito sa hukay.

Base sa video, sinabi ng mga lalaki na hindi nila ililibing ang aso.

"Dapat ipinagbigay-alam nila. Meron naman tayong beterinaryo diyan sa ating LGU. Humingi lang sila ng tulong," ani Adora.

Nadismaya rin ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS).

"Ang buhay na hayop ay nakakaramdam katulad nating tao. Kung di nila ma-grasp iyong concept na iyon, nakakadismaya, nakakalungkot," sabi ni Anna Cabrera, executive director ng PAWS.

Kahit namatay na si Church, itutuloy pa rin daw ng SWS ang pagsasampa ng reklamo laban sa mga suspek.

Kapag napatunayang nilabag ang Animal Welfare Act, may parusa itong multa na hanggang P250,000 o kulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon. —KBK, GMA News