Hit ngayon hindi lang sa mga turista kundi pati sa netizens ang street mime performer na si "Green Soldier" ng Baguio City. Pero bago nakilala, marami muna siyang pinasok na trabaho at pinagdaanang pagsubok sa buhay.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakilala si Jhonwel Reyes, ang lalaking nasa likod ng nakakatuwang si "Green Soldier."
Bukod sa kaniyang mga performance at pose, kinagigiliwan din si Green Soldier dahil sa kakaiba niyang tipid na boses.
"Ang aim ko lang talaga, magbigay ng saya eh. Hindi ko po iniisip na darating ako sa punto na sisikat po ako," sabi ni Reyes.
Bago nito, samu't saring trabaho na ang pinasok ni Reyes.
"Marami rin po akong pinagdaanan sa buhay. Naging pedicab driver sa Valenzuela. Lahat po ng hirap pinagdaanan ko po talaga. Nag-construction worker rin po ako, factory worker, service crew. At ibang linya ng trabaho, pati janitor, lahat po 'yan," sabi niya.
Ang mga pinagdaanang hirap, nagpatatag daw sa kaniya.
Taong 2014 nang pumasok naman si Reyes sa mundo ng mga street performer.
Matatandaan dumating ang COVID-19 pandemic noong nakaraang dalawang taon, kung saan nagsarahan ang mga lugar na pinagtatanghalan ni Reyes.
Nang makadayo sa Baguio, sinubukang muli ni Reyes ang pagiging isang street mimer, at dito siya naging instant hit.
Natutugunan din ng kaniyang kinikita ang kanilang gastusin sa araw-araw, lalo kapag kinukuha si Reyes sa mga birthday party at events.
Kahit may mga hamon, hindi naisip ni Reyes na ipagpalit ang napamahal na sa kaniyang trabaho.
Para kay Reyes, ang magbigay saya sa kapwa ay higit pa na biyaya kaysa kaniyang kinikita.
May mga sinasanay na rin ngayon si Reyes para maging katulad niya na isang street performer.
"Patuloy po tayong gumawa ng kabutihan sa ating kapwa para mas lalo po tayong gabayan ng ating Ama," sabi ni Reyes.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News