Idineklarang panalong kongresista ng 1st District ng Zamboanga del Norte si Romeo Jalosjos Jr., makaraang magpasya ang Commission on Elections (Comelec) na idagdag sa kaniya ang boto ng kalaban na kaapelido niya.
Batay sa resulta ng botohan sa Certificate of Canvass nitong nagdaang halalan, nakakuha si Jalosjos ng 69,109 boto.
Ang boto ni Jalosjos ay pangalawa lamang sa mahigpit niyang katunggali na si Roberto “Pinpin” Uy Jr. na may 69,591 boto.
Pero hindi naiproklamang panalo si Uy ng local election board matapos ang eleksyon noong Mayo. Iginiit kasi ng kampo ni Jalosjos na may naunang pasya ang Comelec na ideklarang "nuisance candidate" ang isa pang kandidatong kongresista na kaapelido ni Jalosjos na si Federico, na nakakuha naman ng 5,424.
Sa pasya ng Comelec, ipinadagdag ang boto ni Federico kay Jalosjos Jr., kaya naging 74,533 ang kaniyang boto, at siya ang idineklarang panalo.
Sa Facebook post, nagpaabot ng pasasalamat si Jalosjos sa mga sumuporta sa kaniya.
Bukod sa naturang distrito, nakuha rin ng mga Jalosjos ang liderato ng kapitolyo ng lalawigan nang talunin ng tiyahin ni Romeo Jr. na si Dapitan City Mayor Rosalina Jalosjos, ang ina ni Roberto Jr. na si Evelyn, sa dikit ding laban. -- FRJ, GMA News