PATNANUNGAN, Quezon - Makalipas ang dalawang taong pagkakansela nang dahil sa pandemya ay muling ipinagdiwang sa bayan ng Patnanungan, Quezon ang kanilang Patnanungan Festival at 61st founding anniversary nitong nakaraang weekend.

Ang Patnanungan ay isang island municipality na nakaharap sa Philippine Sea.

 

May white sand beach din sa Patnanungan na maaaring ihanay sa mga world-class na pasyalan dahil sa ganda ng lugar. Peewee Bacuno

 

Sagana ang bayan sa yamang dagat kung kaya’t itinampok sa festival ang mga huling lobster o banagan, alimango at isda.

 

Tampok sa Patnanungan Festival ang mga yamang dagat tulad ng mga lobster na ito. Peewee Bacuno

 

Mayroong fresh ay mayroon din namang luto na.

 

Isa lang ito sa mga nakakatakam na putahe na niluto gamit ang fresh lobsters mula sa karagatan. Peewee Bacuno

 

Sa mga booth ng Agri-Fishery Fair ay makikita rin ang mga aning gulay, prutas at root crops na mabibili sa murang halaga.

Hindi rin mawawala ang mga souvenir items na yari sa seashells.

Nagpamalas naman ng kanilang husay sa pagsayaw ang mga kabataan, guro at magulang sa ginawang street dancing suot ang kanilang costume na ni-recycle at ang iba naman ay yari sa indigenous materials. Todo hataw ang lahat ng kalahok sa saliw ng napiling musika.

Muli ring binuhay ang larong Pinoy na palosebo na talagang nagbigay ng kasiyahan sa mga bata. Todo effort ang bawat isa na makaakyat sa madulas na kawayan upang makuha ang premyo sa itaas. Makalipas ang isang oras ay naakyat at nakuha rin ang premyo.

Ang pagdiriwang ay pasasalamat ng mga taga-Patnanungan sa masaganang biyaya ng karagatan. —KG, GMA News