Kalunos-lunos ang sinapit ng isang sanggol na babae na naputol ang ulo habang iniluluwal sa infirmary sa Binalbagan, Negros Occidental. Ang ulo ng bata, naiwan sa sinapupunan ng ina.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing pitong buwan pa lang ang ipinagbubuntis ni Nereza Tarig, 25-anyos, ng Barangay Payao, nang biglang sumakit ang kaniyang tiyan.

Dinala si Nereza ng kaniyang mister na si John Rommel, 25-anyos, sa infirmary para masuri ang kalagayan ng mag-ina.

Sa ginawang pagtatanong ng duktor at staff ng infirmary, nalaman na baliktad ang posisyon ng sanggol. Pero sinabihan umano ang babae na maaari pa rin niyang mailuwal ang sanggol sa normal delivery.

Dahil nagpatuloy ang pagsakit ng tiyan ni Nereza, sinabihan umano siya ng duktor na iluwal na niya ang sanggol. Taliwas umano ito sa hiling ng ginang na i-refer siya sa ospital.

At nang iluwal niya ang anak, nagulat umano si Nereza nang lumabas ang katawan ng anak pero putol ang ulo.

Doon na isinugod si Nereza sa district hospital sa Kabankalan City para makuha ang ulo ng bata sa loob ng sinapupunan ng ina.

Naniniwala ang mag-asawa na kahit premature ang kanilang anak ay mayroong umano itong tibok ng puso nang sinubukang iluwal ng ginang.

Nakauwi na at nagpapagaling si Nereza pero nais nila ng kaniyang mister na mabigyan ng linaw at hustisya nangyari sa kanilang anak.

Naniniwala silang nagkaroon ng kapabayaan ang infirmary sa nangyari.

Ayon sa ulat, sinubukan ng GMA Regional TV na makuha ang panig ng duktor na nagpaanak sa ginang pero sinabi umano ng isang staff na pinayuhan umano ito ng legal team na huwag nang magbigay ng komento.--FRJ, GMA News