Nahuli na ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay sa 23-anyos na reliever branch manager ng isang pawnshop sa Kalibo, Aklan.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Mark Archie R. Torrefiel, 31, na nakatira sa Makato, Aklan. Siya rin ang security guard ng establisyimento.
Ayon sa pulisya, nahuli ang suspek nitong Huwebes, Hunyo 9, sa Barangay Pinagbuhatan sa Pasig City.
Mahaharap sa kasong robbery with homicide ang suspek.
Nangyari ang krimen noong Lunes, Hunyo 6, sa isang pawnshop sa Barangay Poblacion sa Kalibo.
Natagpuang patay at may mga saksak sa katawan ang biktimang si Bonna H. Ambay sa loob mismo ng pinagtatrabahuhan niyang pawnshop sa Poblacion, Kalibo.
Lumabas sa imbestigasyon na si Torriefiel ang huling kasama ng biktima bago ito natagpuang wala nang buhay.
Namataan din sa pinangyarihan ng krimen ang uniporme ng suspek at kutsilyo.
Nagsagawa ang pulisya ng follow-up investigation, at natagpuan ang issued firearm ng suspek na itinapon niya sa ilalim ng puno ng saging malapit sa kanilang bahay. —KG, GMA News