Problemado ngayon ang isang 71-anyos na lola matapos madukot sa bag niya ang perang koleksiyon ng abuloy para sana sa patay sa Villasis, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, ipinakita ang kuha ng CCTV camera sa loob ng isang supermarket kung saan namili ng ilang gamit ang biktimang si Lola Antonina Amorin.

Lumapit sa karera si Amorin para bayaran ang kaniyang pinamili. Pero kapansin-pansin ang isang babaeng nagpanggap na kostumer at pumuwesto sa kanilang likuran.

Nilaslas na pala ng babae ang bag ni Amorin at natangay ang kaniyang pitaka na naglalaman ng pera na aabot sa P10,000 ang laman.

Kaagad na naglaho ang babaeng salarin nang makuha ang pera ng lola.

Ayon kay Amorin, kasama sa perang nakuha ang abuloy ng samahan ng mga senior citizen para sa kasamahan nilang pumanaw.

Problemado ngayon ang biktima kung papaano mababayaran ang perang nawala.

"Babayaran ko pa 'yon. Hindi ko pa nababayaran kaya hindi ko alam kung saan ko kukunin. Wala naman akong hanapbuhay," saad niya.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente.--FRJ, GMA News