Dalawang lalaki na matagal na umanong sangkot sa kalakaran ng pagbebenta ng karne ng aso ang nasakote sa Pandi, Bulacan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing nadakip ang mga suspek sa joint rescue operation ng pulisya at animal rights group na Animal Kingdom Foundation (AKF).
Isinagawa ang operasyon matapos na makakuha sila ng impormasyon tungkol sa nagaganap na bentahan ng karne ng aso sa lugar.
Nasagip din ang walong aso na kalunos-lunos ang kalagayan sa kulungan.
“Depende sa weight or bigat. Minsan nasa P120 to P200/ kilo 'yan,” ayon kay Lawyer Heidi Cag, program director ng AKF.
Hindi nakapanayam ng media ang mga suspek pero sinabi ng pulisya na matagal nang gawain ng dalawa ang pagbebenta ng karne ng aso.
“Ito na ‘yung ikinabubuhay nila nang matagal at doon na rin sila nag-settle ng kanilang business,” sabi ni Lt. Col. Alex Apolonio, Pandi PNP Chief.
“Hindi po sila aware sa batas kaya akala nila normal lang na puwede gawin ‘yung manghuli ng aso, magkatay…lututin para sa ulam,” dagdag niya.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act. --FRJ, GMA News