Gumamit ng jackhammer at binutas pa ang pader ng isang bahay para mailigtas ang asong naipit sa pagitan ng firewall ng dalawang bahay sa Naga City, Camarines Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, ang Special Rescue Unit ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang nanguna sa pagsagip sa aso sa Barangay Santa Cruz.
Pumayag ang may-ari ng bahay na butasin ang kanilang pader para maisalba ang buhay ng nanghihina nang aso.
Pinaniniwalaang mahigit 24 oras nang nakaipit sa mga pader ang aso at halos hindi na makahinga nang makuha ng mga awtoridad.
Kaagad na dinala sa beterinaryo ang aso para mabigyan ng atensiyong medikal.
Batay sa huling impormasyon, nasa mabuting kalagayan na ang aso.
"Fulfilling po sa amin kasi ang serbisyo po ng Bureau of Fire Protection ay hindi lang po sa tao, para po sa lahat ng nilalang na humihinga at may buhay," ayon kay Senior Fire Officer 1 Don Pomposo, hepe ng special unit ng BFP-Naga.-- FRJ, GMA News