Isang 76-anyos na lola na bibili lang sana ng miryenda ang nasawi matapos siyang mabunggo habang tumatawid sa kalsada ng isang siklistang kasali sa bike race sa Alcala, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," kinilala ang biktima na si Erlinda Galleno ng Barangay Pindangan East sa nasabing bayan.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na tumawid sa kalsada nang dumating ang dalawang siklista. Nakaiwas kay Galleno ang isang biker pero bumangga sa kaniya ang isa.
Natumba ang biktima sa kalsada at nagtamo ng sugat sa ulo. Dinala siya sa pagamutan pero binawian din ng buhay.
Ang anak na si Randeur, labis na ikinalulungkot ang naging paraan ng pagkamatay ng kaniyang ina.
"Ang nanay namin ay alam naman natin na may edad na siya, but then the way she died isn't natural way. Okey lang sana kung natural way but it's very tragic. So ayun talagang nakakalungkot na nangyari," saad niya.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nalaman na lumabas ng bahay ang biktima para bumili ng miryenda.
Ayon naman sa pulisya, hindi nakipag-ugnayan sa barangay ang isang nag-organisa ng bike race na nilahukan ng nasa 30 siklista.
"Yung isang organizer doon ang problema walang coordination sa barangay. Bale mga 30 plus na participants ito. Walang coordination kaya yung barangay hindi sila [nakapagtalaga] ng tanod din sa amin," ayon kay Police Major Virgilio Cruz, hepe ng Alcala Police station.
Sinabi ng kaanak ng biktima nagtungo na sa kanilang bahay ang siklista at organizer ng bike race.
Nagpaabot umano ang mga ito ng tulong pinansiyal at nagkaroon na rin ng aregluhan.--FRJ, GMA News