Nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril ang isang lalaking guro na sakay ng motorsiklo at isang babae na sakay naman ng SUV sa Lipa City, Batangas.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, binaril ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo ang guro na si Richard Bon, 36-anyos, nitong Martes ng umaga sa St. Peter Subdivision sa Barangay Tambo sa nasabing lungsod.
Ayon sa pulisya, sakay ng kaniyang motorsiklo si Bon nang lapitan ng mga salarin at malapitang pinagbabarilin.
Sinabi ni Police Lieutenant Fortunato Katigbak, PIO Chief Lipa City Police station, na may nakuha na silang CCTV video na kita ang hitsura ng bumaril at magiging bahagi ng isinasagawa nilang imbestigasyon.
Tumanggi muna ang mga kaanak ng biktima na magbigay ng pahayag.
Kinagabihan, binaril naman at napatay habang sakay ng SUV si Loren Ruarin, 36-anyos, isang human resources manager. Sugatan ang kasama niyang lalaki dahil sa mga tumalsik na bubog mula sa salamin ng sasakyan.
Nakatigil at nagpapahinga umano ang biktima sa bahagi ng Star Tollway sa Barangay Tiba, nang pagbabarilin siya ng salarin na mabilis din na nakatakas.
Patuloy din ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.--FRJ, GMA News