Tatlong magkakapatid na menor de edad ang nasawi matapos silang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Nueva Ecija. Nang makita ang kanilang mga labi, yakap ng pinakamatanda sa kanila na edad 12 ang mga nakababata niyang kapatid.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay D. S. Garcia sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sandali raw iniwan ng ina na si Carolina Gonzales ang mga natutulog na anak na edad 12, 11 at tatlo, para bumili ng pagkain.
Naiwan din niya ang pinakukuluang tubig sa kalan nang sandaling iyon. Ilang saglit lang, nakita na ng mga kapitbahay na umuusok at nasusunog bahay ng mga biktima.
Kaagad na umuwi ang ina para iligtas ang mga anak pero mabilis umanong lumaki ang apoy at hindi na nasagip ang magkakapatid.
Nang makita ang mga labi ng tatlo sa natupok na bahay, nakitang yakap umano ng 12-anyos na biktima ang mga nakababata niyang kapatid.
Dalawang iba pang bahay ang natupok ng apoy.--FRJ, GMA News