Nakaligtas sa kapahamakan ang isang bata nang manalasa ang bagyong "Agaton" at nagdulot ng mga landslide nang magtago siya sa loob ng refrigerator sa Baybay City, Leyte.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ng mga awtoridad na nakita si CJ Hasme sa loob ng refrigerator nang nagsagawa sila ng rescue operation sa Barangay Kantagnos.
Ayon sa tiyuhin ni CJ na si Juanito Orellano, nagpapagaling sa ospital ang kaniyang pamangkin mula sa tinamo nitong mga bali sa katawan bunga ng nangyaring kalamidad.
“Noong ni-rescue sana siya ng tiyuhin niya eh, pinaalis niya ‘yung tuyuhin niya kasi delikado na kasi parating na ‘yung malaking landslide. Nagpaiwan na si CJ doon, kaya napasok siya sa ref,” ani Orellano.
Nasawi sa naturang trahediya ang mga magulang ni CJ, ayon pa kay Orellano.
“Pinipilit naming huwag muna ipaalam (kay CJ) na baka makaapekto sa kalusugan niya, eh naririnig siguro niya kasi sa edad niya, parang naiintindihan na niya,” pahayag nito.
“Sa ngayon sir, pinagbabawalan muna namin na tanungin ‘yung bata kasi may trauma siya eh. Iba-iba yung ano, minsan sumisigaw na sa gulat ba,” dagdag niya.
Batay sa huling ulat ng Baybay City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO), mayroon pang 69 katao ang nawawala sa kanilang lungsod.
Pinakamarami umano sa mga nawawala ay mula sa Barangay Kantagnos.
Sinabi naman ng NDRRMC na mahigit 100 katao ang nawawala sa Barangay Abuyog.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, posibleng itigil na ang search and rescue operations.
“There are lot of considerations to be taken to account itong ating mga team. For example ‘yung situation sa ground, ‘yung possibility nang makakuha pa ng survivor, at saka safety din ng ating mga search and rescue teams," sabi ng opisyal.
Sa pinakahuling bilang ng NDRRMC, umabot sa 172 katao ang kompirmadong nasawi sa hagupit ni Agaton.--FRJ, GMA News