Makalipas ang dalawang-taong pagkakahinto ng dahil sa pandemya ay naging masaya at magarbo ang Buhusan Festival sa bayan ng Lucban, Quezon ngayong Easter Sunday.

Aabot sa 3,000 residente ang nakisaya sa mala-fiestang pagdiriwang.

Kahit malakas ang buhos ng ulan, hindi ito alintana ng mga taong sabik na sabik sa okasyon.

Photos and text by Peewee Bacuño
Photos and text by Peewee Bacuño

Pasado alas-otso ng umaga, nagsimula ang parada na dinaluhan ng mga kawani ng lokal na pamahalaan, barangay officials, mga kabataan at NGO.

May mga miyembro din ng LGBT ang rumampa gamit ang magagandang costume.

Sa parada pa lang ay nagbabasaan o nagbubuhusan na ng tubig.


Matapos ang parada ay nagtungo ang mga kalahok sa plaza kung saan nagkaroon ng programa.

Matapos ang program ay opisyal ng binuksan ang Buhusan Festival.

Sa saliw ng musika ay nagsayawan ang mga tao habang binubomba ang tubig mula sa mga firetruck.

May mga water gun rin na hawak ang iba. Lahat ay basang-basa habang nagsisigawan.

Ang Buhusan Festival ay tradisyon ng mga taga Lucban, Quezon na ginaganap tuwing Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday. Ipinapakita raw ng pagbubuhusan ang paglilinis sa mga nagawang kasalanan. Itinuturing din ito na pagbibinyag sabay pagbabagong buhay.

Mamayang gabi ay isasagawa naman ang concert ng mga kilalang artists. —LBG, GMA News