Nagpapagaling ngayon ang isang taxi driver matapos siyang pagnakawan at putulan pa ng dila ng dalawang salarin sa San Fernando, Cebu.
Sa video ni Cristelle Alfanta, na mapapanood sa GMA News Feed, makikitang pilit ng kaniyang amang si Andres Alfanta na magsalita tungkol sa kaniyang sinapit.
Gayunman, halos hindi na maintindihan ang sinasabi ng biktima matapos putulin ng mga suspek ang kaniyang dila.
Ayon sa biktima, tinakot siya ng mga suspek, na mga malalaki umanong tao.
Base pa sa post ng mga anak ni Alfanta, sumakay umano sa taxi ang mga suspek mula sa Banawa at nagpahatid sa San Fernando.
Habang nasa biyahe, pinahinto ng mga pasahero si Alfanta sa isang bukid, at dito siya binantaang babarilin at papatayin kung hindi niya ibibigay ang kaniyang kita sa pamamasada.
Pinilit din umano ng mga suspek na ilabas ang kaniyang dila saka ito pinutol.
"Pagdating sa San Fernando, ninakawan siya, tinakot na babarilin. 'Yung tatay ko nagmakaawa na huwag na lang siyang patayin," sabi ni Lovely Alfanta, isa pang anak ng biktima.
"Sabi nila (mga suspek), 'Sige hindi ka namin papatayin. Ilabas mo ang dila mo.' Pinutol nila ang dila," dagdag ni Lovely.
Natangay ng mga holdaper ang P4,000 na kita ng driver sa kaniyang buong araw na pamamasada.
Sinikap naman ni Alfanta na magmaneho papunta sa pagamutan.
Nasa maayos nang kondisyon ang biktima matapos maoperahan. May apat na maliliit na anak si Alfanta.
Ayon sa panganay niyang anak, pumasada pa rin ang kanilang tatay kahit na bumabagyo para lang may maipangtustos sa pamilya.
Nanawagan ng tulong ang pamilya ng biktima para sa kaniyang pagpapagamot.
"Sana mahuli ang gumawa ng masama sa tatay ko para mabigyan din ng hustisya ang nangyari. Walang wala kami, nakuha nila lahat ng pera ng tatay ko," sabi ni Lovely. —VBL, GMA News