Labis na nagdadalamhati ang isang ina sa pagpanaw ng kaniyang malambing na anak dahil sa rabies matapos na makagat ng aso sa Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan," sinabing nakagat ng aso ang pitong-taong-gulang na si IG Marquez sa labas ng kanilang bahay sa Barangay Maticmatic sa Santa Barbara, Pangasinan.
Dinala ang bata sa ospital noong Lunes ng gabi pero pumanaw na siya kinabukasan.
"Mahirap tanggapin po kasi malambing po yung anak ko," emosyonal na pahayag ng inang si Vanessa. "Kung dumarating ako sa work kinukuha niya po yung cellphone ko naglalaro na sa loob saka hinahalik-halikan niya po ako."
Ayon sa Provincial Health Office, nagpositibo sa rabies ang bata na kaagad na ipinalibing.
Nakikipag-ugnayan naman ang mga opisyal ng barangay sa mga taong nakakain ng karne ng aso na kumagat sa bata.
Kailangan umanong mabakuhan ng pangontra sa rabies ang mga nakakain ng karne ng aso, pati na rin ang mga nakasalamuha ng bata.
Ayon sa PHO, apat katao na ang naitalang nasawi dahil sa rabies sa unang bahagi ng 2022.
Hinikayat din ng PHO ang mga may alagang aso at pusa na pabakuhan ang mga ito ng pangonta sa rabies.-- FRJ, GMA News