Isang 20-anyos na binata at solong anak ang nasawi matapos barilin ng isang sundalo na umano'y nakainom ng alak sa Mauban, Quezon. Ang biktima, binati lang daw ang suspek at mga kasama nitong nag-iinuman sa bar na pag-aari ng kaniyang mga magulang.
Kinilala ng Mauban Municipal Police Station ang suspek na Private First Class Melvin Añonuevo, nakatalaga sa 59th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Mauban.
Inaresto rin ang dalawa niyang kasamahang sundalo na sina John Denver Allao, at Rolito Cornel.
Nahaharap ang tatlo sa reklamong murder kaugnay sa pagkamatay ng biktimang si Jayr Lasquites.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, Linggo ng gabi, Abril 10, nang mag-inuman ang mga suspek sa bar na nasa harap lang ng bahay ng pamilya ng biktima sa Barangay Polo.
Lumabas umano ng bahay dakong 9:00 pm ang biktima at kasama ang dalawang kaibigan. Nang dumaan sila sa naturang bar na pag-aari ng kaniyang mga magulang, kinumusta o binati ni Lasquites ang mga suspek.
Pero ikinagalit umano ito ni Añonuevo, at tinanong ang biktima kung "anong problema," at binaril ang binata na papatakbo na.
Nang bumagsak ang biktima, lalapitan sana ito ng kaibigan pero nanutok umano ng baril ang suspek.
Nadala lang sa ospital ang biktima nang tumakas na ang tatlo pero binawian na siya ng buhay.
Natukoy naman ang pagkakakilan ng tatlo at kaagad na inaresto. Positibo rin silang kinilala ng kaibigan ng biktima na kasama niya nang mangyari ang krimen.
Ayon sa ina ni Lasquites, sadyang palabati at palakaibigan umano ang kaniyang nag-iisang anak.
Tumangging magbigay ng pahayag ang tatlong suspek na nakadetine ngayon sa himpilan ng pulisya. --Peewee Bacuño/FRJ, GMA News