Inihayag ng isang lokal na opisyal na umakyat na sa 48 katao ang nasawi sa Baybay City, Leyte dahil sa pananalasa ng bagyong "Agaton."
Kinumpirma ni Baybay City information officer Marissa Cano sa GMA News Online nitong Miyerkules ang 48 katao na nasawi at naitala sa City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO).
Batay sa ulat ng CDRRMO, ang mga biktima ay mula sa mga barangay na: Mailhi (14), Kantagnos (10), Bunga (12), San Agustin (3), Maypatag (2), Pangasugan (2), Candadam (1), Poblacion Zone 21 (1), Higcop (1), Can-ipa (1), at Igang (1).
Nasa 27 katao pa ang nawawala, 21 sa kanila ay mula sa Barangay Bunga, lima sa Barangay Can-ipa at isa sa Barangay Guadalupe.
Nasa 105 naman ang nasugatan, kung saan 53 ang nasa ospital, ayon pa sa CDRRMO.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 37 sa mga biktima ay nasawi dahil sa mga landslide sa Baybay City.
Inilagay na sa state of calamity ang nasabing lungsod dahil sa kalamidad.—FRJ, GMA News