Patay ang isang babaeng guro at kaniyang mister matapos silang pagbabarilin ng school principal sa Negros Occidental. Ang suspek, nagbaril din umano sa sarili matapos gawin ang krimen.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Arnel Solis, Public Information Office ng Philippine National Police-Region 6 (PNP), ang suspek na si Warren Escosar, 56-anyos.
Si Escosar ay principal ng Bilbao Uybico National High School sa Barangay Pook sa bayan ng Hinoba-an.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing binaril at napatay ni Escosar ang senior high school teacher na si Alvarisa Arroy at ang mister nito.
Matapos gawin ang krimen, nagbaril din umano sa sarili ang suspek na dahilan ng kaniyang pagkasawi.
Ayon sa pulisya, patay na ang tatlo nang dumating ang mga rumespondeng awtoridad matapos na may magreport tungkol sa insidente ng pamamaril.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon sa motibo ng krimen. — FRJ, GMA News