Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng suspek na kamag-anak mismo ng kaniyang maybahay sa Padre Garcia, Batangas.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Sherwin Solis, ng Barangay San Felipe.
Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang krimen nitong Lunes ng umaga sa national highway sa Barangay Pansol.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ang matagal nang hidwaan ang biktima at suspek ang lumilitaw na motibo sa krimen.
Anim na tama ng bala sa iba't ibang parte ng katawan ang tinamo ng biktima.
Hindi naman makapaniwala ang mga kamag-anak ng dalawa sa mangyari dahil pareho naman umanong mabait ang biktima at suspek.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek, na hinikayat ng kanilang kaanak na sumuko na.
--FRJ, GMA News