Isang lalaki na naaresto umano ng mga barangay tanod dahil sa tangkang panghahalay sa isang babaeng may kapansanan ang nakitang patay sa Imus, Cavite. Ang mga tanod, inaresto ng mga pulis.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nakita ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki sa Barangay Pasong Buaya noong Abril 5.
Nang magasagawa ng imbestigasyon ang pulisya, lumitaw na suspek sa pagkamatay ng lalaki ang tatlong barangay tanods ng Bgy. Salitran III sa kalapit na bayan ng Dasmariñas, Cavite.
Isa umano sa mga tanod na kinilalang si Jovi Monis, ang sinsabing bumaril sa lalaki na inaresto dahil sa tangkang panghahalay.
Natukoy ang pagkakakilanlan ng mga tanod nang magsagawa ng pagsusuri ang mga pulis sa mga CCTV footage. Nakita ang sasakyan ng mga tanod na nanggaling sa lugar kung saan nakita ang bangkay ng lalaki.
Tumanggi si Monis na magbigay ng pahayag, habang itinanggi ng dalawa niyang kasama na sangkot sila sa pagkamatay ng lalaki. Pero handa raw silang tumestigo laban kay Monis.
Wala pang pahayag na ibinibigay ang punong barangay ng Salitran III. --FRJ, GMA News