Nagdulot ng takot sa mga residente ng isang barangay sa Jones, Isabela ang nakita nilang dalawang buwaya sa isang ilog na tinatayang nasa anim na talampakan ang laki.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing Philippine Crocodile o "Bukarot," ang uri ng buwaya na nakita ng mga residente sa ilog ng Barangay Dicamay Uno.
Sa pangambang magdulot ng panganib sa mga tao ang mga buwaya, hinuli nila ito pero nakatakas ang isa.
Ipinaubaya ng barangay ang nahuling buwaya na isang babae sa Mabuwaya Foundation at dinala naman sa Philippine Crocodile Conservation Center ng San Mariano, Isabela.
Bukod sa bayan ng Jones, nakikita na rin daw ang mga buwaya sa mga ilog ng bayan ng San Mariano, Maconacon at Divilacan.
Pero sinabi ng Mabuwaya Foundation na mali ang paraan ng paghuli sa buwaya dahil kinoryente ito.
"Hindi sana dapat kinoryente 'yon. At ang paggamit ng koryente kahit hindi man ito gamitin sa buwaya ay labag po sa ating Fishiries Code," paliwanag ni Marites Balbas ng Mabuwaya Foundation.
Nauunawaan naman daw ng mga awtoridad ang naging reaksyon ng mga residente. Pero ipinaalam sa kanila na hindi kasama sa listahan ng pagkain ng mga buwaya ang mga tao.
Idinagdag pa na panahon ngayon ng pagpaparami o mating season ng mga buwaya.
Ibabalik naman daw ang nahuling buwaya sa natural nitong tirahan. Pero pakiusap ng mga residente ng Barangay Dicamay Uno, huwag naman sa kanilang lugar. --FRJ, GMA News