Aabot umano sa P500-milyon ang natangay ng isang babae sa mga nabiktima niya sa investment scam, kabilang ang ilang overseas Filipino workers.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation sa inilatag na entrapment operation sa Dagupan City, Pangasinan ang suspek na si Jennifer Gumapos.
Isinagawa umano ng NBI ang operasyon matapos dumagsa sa kanilang tanggapan ang mga nabiktima umano ni Gumapos, kabilang ang OFW na si Amanda, hindi niya tunay na pangalan.
Ayon kay Amanda, sa kagustuhan niyang lumago ang pinaghirapan niyang pera na kaniyang naipon, ipinasok niya itong puhunan kay Gumapos na umaabot sa P1.9 milyon.
"Nanghihinayang ako kasi nakuha ko yung pera na 'yon sa pawis din. Nag-OFW ako up to now babalik pa rin ako para maging OFW," saad niya.
Isa pang biktima ang nagsabi na umabot sa P38 milyon ang naipasok niyang puhunan kay Gumapos, at mayroon pa siyang mga kamag-anak na nabiktima rin.
Marami umanong naingganyo ang suspek dahil sa pangako nitong tubo na 8.5 hanggang 10 percent bawat buwan sa ipapasok na puhunan.
Nagbibigay umano ng tubo noong simula ang suspek hanggang sa tuluyan nang matigil.
Nasa kostudiya ng NBI ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag.--FRJ, GMA News