Hindi inakala ng isang ina na sa isang iglap ay mawawala na ang kaniyang 11-anyos na anak matapos itong tangayin ng alon habang magkahawak sila ng kamay at naliligo sa beach ng Dagupan City sa Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Aminan" nitong Huwebes, sinabing dumayo pa sa Pangasinan ang pamilya ni Ruffa Figueroa, na mula sa Cuyapo, Nueva Ecija, upang mag-outing.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, naliligo sa beach at magkahawak ng kamay ang mag-ina, kasama ang iba pa nilang kaanak nang bigla umanong tumaas ang tubig sa dagat at lumakas ang alon.
"Naliligo sila hawak niya [Figueroa] yung anak niya, 'yun... dahil siguro sa lakas ng current ng tubig ng dagat nabitawan niya yung anak niya at tinangay ng alon. Yung bata, lumubog agad," ayon kay Police Corporal Irwin Albao, imbestigador ng PNP Maritine-Pangasinan.
Kaninang umaga lang nakita ang katawan ng bata na lumulutang sa dagat.
Sinabi ni Figueroa na muntik na rin malunod ang iba pa nilang kaanak dahil sa biglang pagtaas ng tubig sa dagat.
"Kala po namin lahat kami mamamatay na kasi lahat na nga po maririnig mo na humihingi ng tulong. Saka may time na mapapaahon ako, makikita mo rin yung mga kasama ko talagang gumaganon na [itinataas ang kamay," pahayag niya.
Dahil dumadagsa na ang mga naliligo sa beach, pinag-iingat ng mga awtoridad ang publiko laban sa tinatawag na "rip current," o ang malakas na agos na maaaring tumangay sa mga naliligo papunta sa malalim na bahagi ng dagat.
Nagpaalala si Albao na mas makabubuti na maligo sa bahagi ng beach na mayroong lifeguard upang may kaagad na sasagip sakaling magkaroon ng aberya. --FRJ, GMA News