Makapigil-hininga ang ginawang pagtugis ng mga awtoridad sa isang SUV na hindi tumigil sa police checkpoint sa Imus, Cavite. Nang abutan matapos ang 30 minutong habulan, doon nakita na dalawang Chinese ang sakay nito at parehong lasing.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang video ng ginawang pagtugis ng mga awtoridad sa naturang SUV.
May pagkakataon pa na muntikang mabangga ng tinutugis na SUV ang sasakyan ng ibang motorista. Nang malapit na sanang masukol ang mga suspek, binangga nila ang isang police mobile para makaarangkada muli.
Tumagal ng nasa 30 minuto umano ang nangyaring habulan bago tuluyang nasukol ang SUV na sinasakyan ng dalawang Chinese.
“Talagang lasing na lasing," sabi ni Police Lieutenant Colonel Jun Alamo, Imus PNP Chief-of-staff. "During sa aming habulan, ‘yun pong Chinese national na 'yan ay binangga niya po ng tatlong beses ang ating mobile patrol.”
Humingi naman ng paumanhin ang isa sa mga suspek na si Zhang Yuanyi.
"Naghihingi po ng sorry sa mga pulis sa lahat ng ginawa ko doon," saad niya.
Payo niya sa ibang motorista na may makikitang checkpoint, "Wag na gagaya sa akin."
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong damage to property at paglabag sa Drunk Driving Law.--FRJ, GMA News