Labis ang pighati ng ina ng isang 18-anyos na estudyante na pinaniniwalaang nasawi dahil sa hazing sa Laguna.
“Hirap na hirap siya sa nangyari. Pinaso ninyo, lagas ang ngipin, may damage ang ulo. Brutal na brutal. Demonyo ang gumawa,” umiiyak na pahayag ni Maricar Rabutazo sa ulat ni Ian Cruz sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes.
Hinihinalang isinailalim sa initiation rites ng isang fraternity group sa Barangay San Juan sa Laguna noong Linggo ang biktimang Grade 12 student na si Raymart o "RR."
Ayon sa pulisya, apat na "persons of interest" na ang nasa kanilang kostudiya. Nakaugnayan ng GMA News ang dalawa sa kanila pero tumanggi silang magbigay ng pahayag.
Hindi rin sila sumagot nang tanungin kung miyembro ba talaga sila ng Tau Gamma fraternity.
“May mga lumulutang na rin na mga testigo na nagbibigay na rin ng salaysay. Ito’y kukunin namin para makapag-establish ng lead ang kapulisan para maimbestigahan pa lalo ang kaso,” ayon kay Police Lieutenant Erico Bestid.
Ayon sa mga magulang ng biktima, nagpaalam si RR sa kaniyang lola na aalis ng 5:00 am noong Linggo. Pero hindi niya sinabi kung saan siya pupunta at sino ang mga kasama.
Hapon nang araw ng Linggo, nakatanggap ng impormasyon ang pamilya na dinala sa ospital si RR.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakitaan ang biktima ng mga sugat at pasa sa iba't ibang parte ng katawan at pati na sa ulo.
May paso rin siya sa dibdib, at nalagas ang ilang ngipin.
“Hindi naman makatao yung ginawa nila eh. ‘Yung frat ninyong sinasabi hindi naman kapatiran. Tingnan niyo nangyari sa anak namin nagsosolo. Inalisan niyo pa ng karapatang mabuhay nang malaya," hinanakit ni Remil, ama ng biktima.
"Ang daming pangarap noong bata. Pangarap naming mag-asawa para sa bata. Ano ginawa ninyo? Winala ninyo,” patuloy niya.
Pakiusap ni Maricar, "Tulungan niyo si RR. 'Wag na kayo magtakipan. ‘Yun lang po ang gusto ko, may hustisya sa anak ko.” — FRJ, GMA News