Nauwi sa disgrasya ang karera ng mga bisikleta sa Sorsogon City nang sumalpok sa nakasalubong na pampasaherong jeep ang isa sa mga kasaling siklista. Ang biktimang 19-anyos, nabalian ng hita at binti.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, mapapanood sa video ni Ramer Buetre ang karera ng bisikleta na nangyari noong Marso 11.
Mayroong mga escort na marshal sa ruta, pero paisa-isa ang mga ito, ayon sa ulat. Wala rin umanong sariling linya o demarcation line na lubid o safety rubber cones para sa mga siklista sa kalsada upang maiwalay sa ibang sasakyan.
Hanggang sa mapadaan ang mga siklista sa pakurbang bahagi ng daan at doon na nangyari ang pagbangga ng biktimang si Xyrus dela Cruz sa jeep.
Sa lakas ng banggaan, tumilapon si dela Cruz.
Inirereklamo ng pamilya ni dela Cruz ang umano'y kakulangan ng organizer para matiyak ang kaligtasan ng mga siklista. Pero iginiit ng organizer na ang kaligtasan ng mga rider ang una nilang hangad.
"'Yun pong sa may binti, nabali po kasi 'yun eh, 'yung hita po niya, bali. Kaliwa po tapos may sugat din sa may kaliwang kamay, panay kaliwa po siya. Wala naman pong internal problem pati sa CT scan. Milagro po talaga," sabi ni Israel dela Cruz, ama ni Xyrus.
Nasa kulungan na ngayon ang driver ng jeep pero handang makipag-areglo ang ama ni dela Cruz hangga't paparte ang driver sa gastusin ng pagpapagamot ng biktima.
"Doon po kasi sa Sorsogon, 'yun pong [gastos] namin P331,000 tig-kalahati po kami ng sasagutin. Eh wala rin naman po 'yung jeepney driver eh. 'Yun po ang napagkasunduan namin," sabi ng ama ni Xyrus.
Sinabi pa ng ama ni Xyrus na nagbigay ng P150,000 na tulong pinansyal ang Ronda Pilipinas na siyang organizer ng cycling race.
"Hindi pa po kami okay du'n. Wala kaming usapan na hanggang doon (na lang)," sabi ng ama ni dela Cruz.
Pinuna ng ama ni Xyrus ang mga pagkukulang umano ng organizer sa kanilang cycling race.
"Kulang po sila ng marshal eh. Dapat po 'yung Ronda Pilipinas 'yun ang nagpigil sa mga jeep. Dapat po walang tumatakbo, dapat malinis na malinis 'yun, bulagaan po kasi. Paahon saka palusong, kurbada po," sabi ng ama ni dela Cruz.
Nakatakda sanang lumipad ni Xyrus sa Thailand sa susunod na buwan para simulan ang kaniyang professional career sa mga international competition.
Sinabi naman ng Project Director ng Ronda Pilipinas na "isolated case" ang nangyari.
"Ronda has always been putting a premium on security of riders and delegation, which for 11 years has been the standard of our race. The incident in Sorsogon was an isolated case, same way that players get injured in basketball. It was an accident and no one wants this to happen," sabi ni Bernadette Guerrero, Project Director ng Ronda Pilipinas.
"Rest assured that Ronda Pilipinas, with help from Insurance and the local government of Sorsogon, has extended all the help and assistance to our rider and his family. The investigation is ongoing that's why we can't give a statement for now," dagdag ni Guerrero.
--Jamil Santos/FRJ, GMA News