Patay na nang maiahon mula sa balon na may lalim na 22 talampakan ang isang lalaking 11-taong-gulang sa Pitogo, Quezon.
Ayon sa ulat ng Pitogo Municipal Police Station, kumukuha ng tubig na pampaligo ang biktima nang madulas ito at mahulog sa balon nitong Martes sa Barangay Soliyao.
Naging pahirapan umano ang ginagawang pagkuha ng mga awtoridad sa bata dahil malalim ang balon pati na ang tubig nito.
Wala namang nakikitang foul play ang pulisya batay sa resulta ng ginawa nilang imbestigasyon.
Plano umano ng opisyal ng barangay na takpan na ang balon. --Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News