Arestado ang isang bagitong pulis matapos na mangholap umano ng isang gasolinahan sa Sto. Tomas, Batangas. Paliwanag ng suspek, nagawa raw niya ang krimen dahil nabaon siya sa utang bunga ng online sabong.
Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Patrolman Glen Angoluan, nakatalaga sa Laguna Police Provincial Mobile Force Company.
Ayon kay Laguna Provincial Police Director Colonel Robert Campo, naaresto si Angoluan sa inilatag na checkpoint sa Barangay San Isidro sa Pagsanjan, Laguna.
Inilatag ang naturang checkpoint matapos na holdapin ang isang gasolinahan sa Barangay Santiago, Sto. Tomas, Batangas kaninang madaling araw.
Matapos ang panghoholdap, sinabing tumakas ang salarin patungo sa direksyon ng Laguna. Tumugma umano ang suot na damit at motorsiklo na gamit ng naarestong pulis.
LOOK: Pulis na nabaon sa utang dahil sa online sabong, arestado matapos mang-holdap ng gasolinahan sa Sto. Tomas, Batangas. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/cw5q3BPTRd
— DZBB Super Radyo (@dzbb) February 16, 2022
Umamin umano ang pulis sa ginawang panghoholdap. Idinahilan niya na nagawa niya ito dahil nabaon siya sa utang bunga ng pagkakalulong sa online sabong.
Lumalabas din umano sa imbestigasyon ng pulisya na nasangkot na rin ang suspek sa ilang pang insidente ng panghoholdap sa ilang convenience store sa lalawigan.
Bukod sa kasong krimen, mahaharap sa reklamong administratibo si Angoluan na posible niyang ikatanggal sa serbisyo. -- FRJ, GMA News