Isang ama na naghuhugas ng pinggan sa labas ng kaniyang bahay ang nasawi nang maipit ng isang truck na tumagilid matapos mawalan ng kontrol sa Labo, Camarines Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Dante Villamarzo, 55-anyos, ng Batangay Daguit, nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa pulisya, naghuhugas noon ng pinagkainan ang biktima sa labas ng bahay na malapit sa kalsada nang mawalan ng kontrol sa truck ang driver na si Rafael Dalit.
Napunta sa gilid ng kalsada ang truck sa kinaroonan ni Villamarzo at naipit ang biktima.
Nadala pa sa ospital ang biktima kung saan siya binawian ng buhay.
Hindi na umano nagsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News