Isang araw matapos mawala, bangkay na nang matagpuan ang isang 23-anyos na dalaga sa isang bakanteng lote sa Sison, Pangasinan. Ang biktima, anak ng isang overseas Filipino worker.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional Tv "Balitang Amianan" nitong Martes, hinihinala rin ng mga kaanak ng biktima na ginahasa muna siya bago pinatay ng salarin.

"Hindi natin inaalis yung mga possibility na maaaring ano yung reason kung bakit pinatay,  at ano rin ang reason behind bakit ganun yung hitsura ng kaniyang body, pati yung kaniyang mga damit kasi ay punit," ayon kay Police Major Katelyne May Awingan, PIO Pangasinan-PPO.

Isang araw umanong nawawala ang biktima at nakita ang kaniyang bangkay sa bakanteng lote na ilang kilometro ang layo sa kaniyang tinitirhan.

Dahil sa kalunos-lunos na sinapit ng biktima, umuwi ng Pilipinas ang kaniyang ina na isang OFW para makamit ang hustisya para sa anak.

"Sana balutin siya [suspek] ng konsensiya at sumuko na siya, at aminin ang ginawang karumal-dumal sa anak ko," umiiyak na pahayag ng ina.

Tumanggi na ang pamilya ng biktima na isailalim pa ang bangkay nito sa awtopsiya.

Mayroon na umanong person of interest ang pulisya at testimonya kaugnay sa isinasagawa nilang imbestigasyon. --FRJ, GMA News