Nasawi ang isang lalaki na nasa likod ng pagnanakaw ng 22 establisimyento ngayong taon sa Nueva Ecija. Ang ginamit na baril ng suspek, napag-alamang pagmamay-ari ng pulis Tarlac.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, mapapanood sa video mula sa Nueva Ecija Police Provincial Office ang pagpasok ng naka-helmet na suspek sa isang conveience store sa Cabanatuan City.
Ilang saglit pa, binunot na ng suspek ang kaniyang armas, nilapitan ang kahera at nilimas ang lahat ng benta sa establisimyento.
Hapon noong araw ding iyon, ninakawan naman ng suspek ang isang gasolinahan sa Santa Rosa, Nueva Ecija.
Nakunan ng CCTV ang kaniyang pagdating. Dumiretso ang suspek sa opisina ng gas station saka puwersahang kinuha ang benta ng gasolinahan.
Hindi pa nakuntento ang lalaki na bumalik at tinangay ang wallet at cellphone ng mga empleyado.
Umabot na sa 22 ang nabiktima na establisimyento ng suspek mula Enero 1 ngayong taon, tulad ng gas station, convenience store, grocery at bakery.
"Meron pong kuha sa mga ibang CCTV cameras na mag-isa lang po siyang bumibiyahe at nangho-holdup. Nag-check po tayo ng CCTV videos, footage, at pinag-aralan po natin 'yung identity ng taong ito," sabi ni Police Lieutenant Colonel Carl Omar Fiel, hepe ng Cabanatuan Police.
Sa tulong ng impormasyong nakuha ng Provincial Intelligence Unit, ikinasa ng Nueva Ecija Police ang isang dragnet operation sa hideout ng suspek, na nauwi sa engkuwentro.
Patay ang suspek na wala pa ring pagkakakilanlan, habang sugatan ang isang pulis na tinamaan sa tiyan.
Narekober din ang motor ng suspek at helmet na tumutugma sa mga kuha ng CCTV.
Natuklasan din ng Nueva Ecija Police na baril na naka-issue sa PNP ang baril na ginamit ng suspek.
Ayon kay Police Colonel Jess Mendez, Provincial Director ng Nueva Ecija PPO, na-carnap ang motor ng pulis noong nakaraang taon kaya nakuha ng suspek ang baril.
Nagsasagawa na ng backtracking ang Nueva Ecija PIU para malaman kung saan isinasanla ng suspek ang mga ninanakaw na gamit ng kaniyang mga biktima. —Jamil Santos/VBL, GMA News