Naputulan ng kamay ang isang mangingisda matapos umanong kagatin ng malaking pating habang nangingisda sa Ilocos Sur.
Ayon sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing nasa laot na bahagi ng Magsingal, Ilocos Sur ang mangingisdang si Ruben Unabia, nang mangyari ang insidente.
Kuwento ng biktima na nakaratay sa ospital, nakabingwit siya ng malaking isda nang bigla siyang sakmalin ng pating.
"Kinukuha ko na yung nahuli kong blue marlin nang biglang sinakmal ng pating ang kamay ko," saad niya.
May kulay itim umano ang pating na sumakmal sa kaniya at kasing laki raw ng kaniyang bangka.
Ayon sa mga mangingisda, hindi na bago sa kanila ang makakita ng pating malapit sa kanilang payaw o rama.
Ang payaw ay gamit sa pangingisda na inilulubog sa dagat at kinabitan ng floater na may dahon na pinupuntahan naman ng mga isda.
Humihingi ng tulong si Unabia para makalabas na siya ng ospital.
Sa kabila nang nangyari, buo pa rin ang loob ni Unabia na bumalik sa laot para makapaghanapbuhay.
Kamakailan lang, namangha ang mga mangingisda sa laki ng blue marlin na nahuli nila sa karagatang sakop ng Laoag City, Ilocos Norte.
Samantalang isang malaking pating naman na nahuli malapit sa baybayin ng Santiago, Ilocos Sur ang kinatay ng mga tao.
--FRJ, GMA News