Nakalaya na ngayong Huwebes ang 80-anyos na lolo na sinilbihan ng arrest warrant dahil sa 10 kilong mangga na kaniyang kinuha sa isang puno sa Asingan, Pangasinan.
Ayon kay Police Major Napoleon Eleccion, nag-ambagan ang mga pulis at mga residente para malikom ang P6,000 na pambayad sa piyansa ni Leonardo Flores para pansamantala siyang makalaya.
Ang arrest warrant laban kay Flores ay inilabas ng 7th Municipal Circuit Trial Courts (MCTC) ng Asingan-San Manuel.
Nitong Enero 13, dinakip si Flores ng mga awtoridad sa Barangay Bantog.
Ayon sa pulisya, ang kaso ay nag-ugat umano sa pagkuha ni Flores ng mga mangga sa puno na malapit sa kaniyang lugar.
Ipinaliwanag ni Flores na siya naman mismo ang nagtanim noon sa puno.
“Ang gusto ko sana makipagsundo, maliit lang naman kasi na bagay. Noong ibibigay ko yung bayad ayaw nilang tanggapin, ang sabi nila bayaran ko ng anim na libo,” anang matanda.
Isang linggo matapos maaresto, pansamantalang nakalaya si Flores matapos makapagpiyansa sa tulong ng mga tao.
Sinabi ni Eleccion na marami ang naniniwala, pati na ang kaniyang mga tauhan, na hindi na dapat nadetine si Flores sa naturang reklamo dahil na rin sa kaniyang edad.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, na hindi pag-aari ng isang tao ang puno at bunga nito kung nakatanim ang halaman sa lupain na iba ang nagmamay-ari.
"Tinaniman mo yung lupa hindi naman sa'yo. Kahit na namunga 'yan hindi pa rin sa'yo [kung] walang permiso ang may-ari sa'yo," anang abogado.
Maituturing pagnanakaw umano ang pagkuha maging sa bunga ng puno kung walang pahintulot sa may-ari ng lupa.
Mayroon na rin umanong abogado na nagboluntaryong magtatanggol sa kaniya.
— FRJ, GMA News