Hinatak sa pampang at pinagpapalo bago kinatay ang isang pating na nalambat sa Santiago, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkoles, sinabing nag-viral sa social media ang video na nahuli-cam ang ginawang pagpatay sa pating sa Barangay Sabangan.
Sa video, makikitang hinihila sa pampang ang pating na nagpupumiglas sa buhanginan. Maya-maya lang, pinagpapalo na ang pating hanggang sa mamatay.
Ayon kay chairman Oscar Agbulos, noong Lunes ng hapon nangyari ang insidente.
Naabutan na lang daw ang mga nagkukumpulan na ang mga tao sa bukid kung saan kinatay ang pating at ipinamigay daw sa mga tao ang karne nito.
"Ipinamigay nila yung karne ng pating marami ang nakakain nun. Hindi ko namukhaan yung mga kalalakihan kasi sa harap 'yon ng resto bars nangyari at kumpulan ang mga tao," paliwanag ni Agbulos.
Nakarating na sa kaalaman ng pamahalaang panlalawigan at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang insidente.
Pero kailangan daw munang matukoy kung anong uri ng pating ang pinatay dahil hindi lahat ng uri ng pating ay endangered at hindi dapat patayin.
"Kaya hindi kami maka-move kung anong puwede naming gawin dun sa mga involved na tao," ayon kay Martin Allayban, provincial fishery officer, BFAR Ilocos Sur.
Kailangan din matukoy kung sino-sino ang mga taong nasa likod ng pagpatay at pagkatay sa pating.
Kung mapatunayan na endangered species ang pating, maaaring managot sa batas ang mga sangkot sa insidente. --FRJ, GMA News