Nahuli sa buy-bust operation ang suspek na bumaril sa isang piskal habang nag-e-ehersisyo ang biktima sa tapat ng bahay nito sa Trece Martires, Cavite.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, mapapanood sa CCTV ang pag-e-ehersisyo ni assistant city prosecutor Edilberto Mendoza pasado 7 a.m. ng Disyembre 31.
Habang ibinababa ni Mendoza ang jumping rope, lumapit ang gunman na si Marvin Linaban, saka siya tatlong beses na pinaputukan sa ulo habang nakatalikod. Agad itong ikinasawi ni Mendoza.
Nakita sa isa pang kuha ng CCTV na patakas ang suspek, sakay ang isang puting motor, mula sa subdivision ng biktima.
Nadakip ang 44-anyos na suspek ng Cavite Provincial Intelligence Unit makalipas ng isang linggo.
Ayon sa binuong "SITG Mendoza" ng Cavite PPO, napag-alaman nilang sangkot sa bentahan ng droga ang hinihinalang gunman kaya dinakip ito sa buy-bust operation Biyernes ng gabi.
"Ang dahilan ng kaniyang pagpatay ay dahil sa trabaho ni piskal. 'Yung mga suspek na involved sa ilegal na droga na hinahawakan ngayon ni piskal Mendoza," sabi ni Police Lieutenant Colonel Richard Corpuz, hepe ng Provincial Investigation and Detection Management Unit ng Cavite PPO.
Sa panayam ng GMA News kay Marvin, sinabi ng suspek na dalawang linggo niyang minanmanan si Mendoza hanggang sa natuloy ang kaniyang pag-atake bago mag-Bagong Taon kapalit ng P25,000.
"Sinearch ko po sa FB, tinype ko 'yung sinabing pangalan, doon ko nalaman tsaka 'yung lugar ni piskal ay... sa CCTV nakita naman na nakailang balik ako. Tinyempo ko talaga, walang nagba-bike, naglalakad wala, nagmo-motor, sasakyan na four wheels, wala po talaga. 'Yun 'yung tiyempo na papasok yata siya (piskal) sa gate at ibinaba niya 'yung tali. Doon na ako nakakuha ng timing," sabi ni Linaban.
"Pangako ko sa nag-utos na hindi aabot ng panibagong taon. Para sa anak... Ang dami pong bayarin, may sakit po 'yung anak ko, meningitis. Marami akong sinirang buhay, pamilya ni piskal, maling mali po. Sobra ko pong pagsisisi, napakalaki ng pagsisisi ko," anang suspek.
Isasailalim sa ballistic examination ang baril na narekober kay Linaban para matukoy ang iba pang posibleng shooting incident na ginamit ang armas.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng follow-up operation ng Cavite Provincial Police Office para sa mga mastermind ng naturang krimen at makilala ang iba pang naging biktima ng naturang gun-for-hire group. —Jamil Santos/VBL, GMA News