Isang babae na nagbebenta ng mga sobre na mukhang P1,000-bills ang inaresto ng mga awtoridad sa Cavite.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing isinagawa ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation at Bangko Sentral ng Pilipinas ang operasyon sa General Mariano Alvarez, Cavite.
Nakuha sa suspek ang binili ng undercover agent na 150 piraso ng sobre, na mapagkakamalang nakatuping P1,000 na papel.
''Di po ako gumagawa nu'n. Nag-re-resell lang po," paliwanag ng suspek.
Ayon kay Armida Artango, bank officer II ng BSP, ipinagbabawal sa ilalim ng BSP circular, ang paggaya sa Philippine currency notes, maliban kung may paalam sa BSP.
Ang mga lumalabag sa naturang kautusan ay nahaharap sa pagkakakulong ng lima hanggang 10 taon. --FRJ, GMA News