Sa kulungan ang bagsak ng isang babaeng tulak na tinaguriang "Dragon Lady" at konektado umano sa Chinese Triad na gumagamit pa ng helicopter para maghatid ng droga.
Ang suspek, mahigit isang dekada nang may warrant of arrest dahil sa ilegal niyang gawain.
Sa ulat ni John Consulta sa "Unang Balita" nitong Huwebes, mapapanood sa video ng National Bureau of Investigation - Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) ang pag-aresto sa high-priority drug personality na si Florentina Natindim Tee sa kaniyang garment store sa Batangas.
Sinabi ng NBI na hindi ordinaryong drug personality si Tee dahil mahigit isang dekada na siyang may warrant of arrest dahil sa pagbebenta umano ng ilegal na droga.
Sa tulong ng isang impormante, natunton si Tee sa Batangas.
"She earned the monicker of a 'Dragon Lady' because she is married to a Chinese national, and then may connection siya with a Chinese Triad. Warrant of arrest niya was for a kilo of cocaine. She is selling in bulk. She is using helicopters in transporting illegal drugs," sabi ni NBI-TFAID chief Rosa Jonathan Galicia.
Nagagawa pa ring makalabas ng bansa ni Tee kahit na meron siyang warrant.
"She was able to change her identity. She used her maiden name to ellude arrest," ayon kay Galicia.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang pahayag ng suspek habang tuloy ang follow-up operation ng NBI sa kaniyang grupo.
Ayon kay NBI Director Eric Distor, magsasagawa sila ng backtrack sa lahat ng aktibidad at katransaksiyon ni Tee para matukoy ang mga personalidad na nakikinabang sa kaniyang operasyon ng droga. —LBG, GMA News