Kabilang ang lalawigan ng Cebu sa mga lalawigan na dinaanan ng malakas na bagyong "Odette" nitong Huwebes.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, ipinakita ang video ilang oras bago tumama sa kalupaan sa Carcar City ang bagyo na may dalang malakas na hangin at ulan.
Pagkaraan ng ilang oras na pananalasa, makikita na ang pinsalang iniwan ng bagyo sa iba't ibang bahagi ng lalawigan.
Nagbagsakan ang mga poste at kable ng kuryente, natumba ang mga puno, at may mga gusali at kabahayan na nasira.
Mayroon din apat na sasakyang pandagat na kinabibilangan ng isang barko at tatlong tugboat ang sumadsad malapit sa pantalan.
Samantala, sa inilabas na pahayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabing isa ang nasawi at dalawa ang sugatan sa naging pananalasa ni "Odette."
Sa panayam naman ng Dobol B TV, sinabi ni Jet Konlu ng Iloilo City Public Safety and Transportation Management Office, isang 54-anyos na babae ang sa kanilang lugar.
“Kagabi, mayroon tayong isang casualty. Ito po 54 years old, babae. Ito ay natamaan ng kawayan sa tabi ng kanilang bahay during ng onslaught ng bagyong Odette,” pahayag niya.
Sa impormasyon naman mula sa Philippine National Police, sinabing dalawa ang nasawi at tatlo ang sugatan sa Northern Mindanao. -- FRJ, GMA News