Ilang araw bago ang Simbang Gabi, nagliwanag ang isang parke sa sentro ng Isabela City, Basilan dahil sa mga ilaw at palamuti sa pagdariwang ng kapaskuhan.
Ang mga puno, nilagyan ng makukulay na Christmas lights at may makikita pang life size na Nativity.
May mga Christmas tree at mga kahon ng regalo sa paligid ng parke.
Kumukutikutitap din ang pailaw sa labas ng Sta. Isabel de Portugal Cathedral, na hindi kalayuan sa parke.
Ikinatuwa ng maraming residente ang mga palamuti at may mga bumibisita pa mula sa iba’t-ibang lugar ng lalawigan.
Mayroon din silang sariling bersyon ng tunnel of lights sa isang tulay kung saan nagpapakuha ng larawan ang mga dumadaan.
Marami rin mapagpipiliang laruan at pangregalo sa night market na makikita sa harap ng Cathedral.
Todo-bantay naman ang kapulisan upang mapanatili ang kaayusan sa lugar.
Sa isang Facebook post ni Isabela City Mayor Sitti Djalia Turabin-Hataman, sinabi ng alkalde na Disyembre 2019 nang simulan ang mga pailaw at dekorasyon na naging bahagi na ngayon ng tradisyon.
"What was started December 2019 has now become a tradition Isabelenos of all faiths look forward to. It is always heartwarming and inspiring to see everyone welcome the Lights of the seasons - be it Christmas or Ramadhan, and share in the spirit of giving and hope," ayon sa alkalde. --Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News