Nang lumipat umano sa lumang bahay sa Cavite ang isang mag-ina, bitbit din nila ang halos 20 lumang mga relo. At kapag sumapit ang dis-oras ng gabi, may mga elemento na raw na nanggagambala at kanila pang nakita sa CCTV.

Sa programang "Dapat Alam Mo," ikinuwento ni Greg na nagpasya siyang makasama na lang sa isang bahay ang kaniyang matandang ina na maysakit upang maalagaan niya.

Dala raw ng kaniyang ina sa paglipat ang mga koleksiyon nito ng lumang mga relo. Pero tuwing sasapit ng dis-oras ng gabi, nakikita raw niya ang ina na gising at nagrorosaryo.

Sinasabi umano ng matanda na may nakikita siyang anino at babae sa loob ng kaniyang kuwarto.

Kaya naman naisipan ni Greg na maglagay ng CCTV sa kuwarto para mabantayan ang ina. Hanggang sa isang araw, may nahuli-cam nga na imahen ng tila babae sa loob ng silid ng ina.

At nang pumanaw ang kaniyang ina, hindi lang ang mga lumang relo ang naiwan nito kay Greg. Nagpatuloy pa rin daw ang pagpaparamdam ng mga elemento.

Kaya naman nagtungo sa naturang bahay ang paranormal researcher na si Ed Caluag para alamin kung mayroon talagang mga kakaibang nilalang na namamahay sa bahay ni Greg.

Pero sa labas pa lang ng bahay, nakaramdam na agad ng kilabot si Ed. Kaagad ding nakatawag ng pansin sa kaniya ang mga lumang relo.

Ayon kay Ed, ang mga lumang orasan ay maaari ding maging portal o lagusan ng mga elemento.

Posible raw na ang orasan ang nagdala sa bahay ng mga kakaibang nilalang.

Sa pamamagitan ng "pagtawas," nakumpirma ni Ed ang sinasabing "babae" na nagpaparamdam at nagpakita sa CCTV.

Kaya naman nagsagawa ng ritwal si Ed upang mapaalis ang naturang elemento sa bahay. Panoorin ang buong kuwento sa video.


--FRJ, GMA News