Napigilan ang pagkalat ng apoy sa Asingan, Pangasinan sa tulong ng isang apat na taong gulang na bata na sinabihan ang kaniyang mga kaanak tungkol sa nararamdaman nitong usok sa loob ng bahay.
Sa ulat ni JP Soriano sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing mag-isang naglalaro noon sa loob ng kwarto si Gian Ace Sallorina nang bigla siyang lumabas at sinabihan ang kaniyang mga tiyahin na masakit ang kaniyang mata dahil sa usok.
Inakala ng kaniyang mga tiyahin na usok mula sa lutuang kalan ang tinutukoy ng bata.
Gayunman, walang nagluluto nang magsabi si Gian na may usok.
"Doon sa bubong," sabi ng bata tungkol sa pinanggalingan umano ng usok.
"Noong inulit po niya na may usok, masakit daw po 'yung mata niya, nag-panic po kami na tinignan sa loob 'yung bata. Nakita po namin na may apoy po doon sa kabilang kwarto," sabi ni Jessica Esteves, tiyahin ni Gian.
Ilang saglit lamang ang lumipas, mabilis nang kumalat ang apoy sa bahay pero nakaligtas ang pamilya pati ang kanilang mga kapitbahay matapos banggitin agad ni Gian ang tungkol sa usok.
Naapula ang sunog sa tulong ng mga construction worker sa lugar at ng ilang residente, pero nadamay ang isa pang bahay.
Posibleng hindi naagapan ang apoy at mas marami pang tahanan ang natupok kung hindi dahil kay Gian.
"Kahit bata pa lang po siya nasabi niya po 'yung may usok, natulungan kami na malaman na may sunog na palang nangyayari," sabi ni Diana Rose Bagorio, ina ni Gian.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga bumbero na nag-overheat na electric fan ang sanhi ng sunog.
Nanawagan ng pinansiyal na tulong ang mga nasunugan dahil wala ni isang damit ang nasagip ang isa sa mga pamilyang apektado. — Jamil Santos/VBL, GMA News