Inireklamo ng mga homeowner sa isang subdivision sa Bacoor, Cavite ang burak na lumalabas sa gripo ng kanilang mga tahanan, na 13 taon na umano nilang pinoproblema. Ang isang residente, nagkasugat-sugat na ang braso dahil sa maduming tubig.
Sa "Dapat Alam Mo!" sinabing madalas ding nawawalan ng tubig ang mga residente ng Veraville Townhomes.
"Sinala namin 'yung tubig, ayan ang kinalabasan (tela na may mantsa ng putik). Kung hindi namin sinala, paano na? Puro rashes na ang mga bata rito. Mahiya naman, magkaroon naman ng tubig ang Veraville!" sabi ng isang ginang.
Ayon kay "Sally," hindi niya tunay na pangalan, 2008 pa nagsimula ang problema nila sa tubig sa kanilang lugar.
"Mga 2008 nagsimula na ito. Pasira-sira tapos magkakaroon, tapos mawawala. Katulad ngayon two months na naman kaming walang tubig sa araw. Sa gabi naman mayroon, konti lang pero marumi," sabi ni Sally.
Dahil dito, nagpagawa na lamang si Sally ng poso sa loob ng kaniyang bahay.
Gayunman, hindi kaya ng ibang residente na magpagawa ng sarili nilang kuhaan ng tubig sa kanilang mga kabahayan.
Isang residente ang nagsugat ang mga braso dahil sa maruming tubig.
"Sobrang dumi tapos ang kati-kati, burak na po 'yung lumalabas. Kailangang mag-mineral kapag kinakayod para matanggal," sabi ng isang babaeng residente.
Ayon sa dermatologist na si Dr. Grace Beltran, na kung kontaminado ng mikrobyo ang tubig, maaaring magkaroon ang isang tao ng bacterial infection tulad ng pigsa, at maaari pang maapektuhan ang mga organ kapag pumasok ito sa katawan.
Sinabi naman ni Jezreel Zapanta, legal officer ng Department of Human Settlements and Urban Development, na maaaring maghain ng request for assistance ang homeowners sa kanilang opisina.
Agad namang naglabas ng pahayag ang V.A.A. Builders Corporation, developer ng Veraville Townhomes.
"We are currently rehabilitating and repairing our water facility…and we assure you that we will be communicating to all complainants to resolve the matter the soonest," saad ng developer. — VBL, GMA News