Arestado ang isang family driver sa Cavite matapos umanong tangayin ang sasakyan at pera ng kaniyang amo na nagkakahalaga ng halos P1 milyon, ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Miyerkules.
Natunton ang suspek na kinilalang si Roy Pader, 41 anyos, dahil sa mga post niya sa social media kung saan ipinakita niya ang kaniyang pera.
Sa isa pang post, ipinakita ni Pader na umiinom siya sa isang nightclub at katabi niya ang ilang babae. Mayroon din siyang post kung saan makikita siya sa loob ng isang motel room kasama ang iba't ibang "escort" na kaniya lang daw tinulungan.
"Bawat ulo po nagbigay lang ako ng tig-P4,000, apat po yung huli kong kasama. Pambibili lang ng gatas at diaper ng anak nila," ani Pader.
Ayon kay Police Major Adrian Cayabyab ng Cavite CIDG, pitong buwang nanilbihan si Pader bilang trustee at driver sa kaniyang amo.
"Nung nakahawak siya ng hefty sum of money na ganong kalaki, ginrab niya yung opportunity na iyon para itakbo ang pera. Akala niya hindi siya mahuhuli," sabi ni Cayabyab.
Sa isang motel naaresto si Pader kung saan siya naka-check-in. Isang kalibre .35 ang nakumpiska mula sa kaniya.
Na-recover din ang van na tinangay ng suspek at ipinatutubos niya sa kaniyang mga amo sa halagang P250,000.
Isa pang kasamahan ng suspek na kasabwat daw niya ang pinaghahanap pa ng mga pulis.
Dahilan ni Pader, nagawa niya ang krimen dahil sa pangangailangan. Aniya, 24 oras silang nagtatrabaho pero P4,000 lang ang sweldo nila kada linggo.
"Nagsisisi naman, sir, dahil nakagawa ng pagkakamali," sabi ni Pader.
Hindi naman nagbigay ng komento ang kampo ng mga biktima.
Ayon sa pulisya, mula Enero hanggang Setyembre 2021 ay umabot sa 1,281 ang carnapping incidents sa bansa, kung saan 135 dito ay motorsiklo habang 1,146 naman ang four-wheel vehicles. —KBK, GMA News