Naging makulay at masaya ang pagsisimula ang pagsalubong ng Kapaskuhan sa bayan ng Sariaya, Quezon.

Nitong Martes ng gabi ay pinailawan na ang makukulay na Christmas lights ng gusali ng pamahalaang-bayan. Sumasabay sa mga awiting pamasko ang kumukutikutitap na mga pailaw.

Ang compound ng munisipyo ay nagliwanag din sa dami ng mga pailaw na nilagyan ng disenyo. Patok na patok sa mga residente ang karwahe ni Cinderella , giant Christmas tree at tunnel of lights.

Sreencap images (Peewee C. Bacuño video)
Sreencap images (Peewee C. Bacuño video)

Ang pagsisindi ng mga pailaw ay dinaluhan ng mga opisyal ng bayan at pamahalaang lokal. Maraming residente ang nakiisa na halatang na-miss ang ganitong gawain na hindi nagawa noong isang taon dahil sa lockdown.

Nagkaroon din ng fireworks display sabay sa pagbubukas ng mga pailaw.

 

Tampok din sa pagsisimula ng selebrasyon ng kapaskuhan ang paglulunsad ng isang Christmaas MTV na likha ng mga artists ng bayan. Animo’y station Christmas ID ng GMA Network ang MTV dahil sa husay ng mga umawit at ganda ng mensahe nito.

Tatagal ang mga pailaw hanggang January 30, 2022. Magbabantay ang LGU sa mga magtutungo sa lugar upang mapanatili ang health protocols.

Dagsa rin ang maraming tao sa Night Market ng bayan ng Sariaya. Mabibili ang iba’t-ibang produkto na yari sa bayan. Marami din ang kainan na nag-aalok ng masasarap na pagkain. Mayroon ding acoustic live band na nagbibigay saya sa mga namamasyal at kumakain. —LBG, GMA News