Iniutos ng alkalde ng Lapu-lapu City, Cebu na imbestigahan ang ginanap na beach party sa isang resort dahil sa posible umanong paglabag sa health protocols.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang beach party sa Karancho beach resort sa Barangay Maribago, sa nasabing lungsod.
Nangyari ang beach party kasabay ng kapistahan ng lungsod noong Sabado.
Ayon kay Mayor Junard Ahong Chan, pinapayagan naman ang pagdiriwang kapistahan sa lungsod katulad ng handaan pero dapat sundin pa rin ang health protocols.
Inatasan na umano ng alkalde ang kapulisan na magsagawa ng imbestigasyon sa naturang insidente upang mapanagot ang mga responsable.
Bagaman natutuwa ang alkalde sa mataas na vaccination rate sa lungsod, nag-aalala siya na baka tumaas na naman ang kaso ng kanilang COVID-19 dahil nagiging kampante ang publiko.
Paalala ni Chan, kahit bakunado na ay maaari pa ring mahawahan ng virus kaya dapat pa ring maging maingat.
Base sa datos, 91.16 percent ng populasyon sa lungsod ang nabigyan na ng first dose ng bakuna, at 64.53 percent ang nakatanggap ng second dose.
Hanggang nitong Nobyembre 21, mayroong 43 active cases ang Lapu-Lapu City.
Pinayuhan naman ni Nagiel Banacia, Crisis Manager ng lungsod, ang mga dumalo sa beach party na magpatingin kaagad o tumawag sa COVID-19 hotline ng Lapu-Lapu city na 0999-972-1111, kung may mararamdaman silang sintomas ng sakit.
Samantala, inihayag naman ng event manager ng Karancho beach resort na si Dino Amores, na sumunod sila health protocols.
Kabilang dito ang pagtatakda sa mga dumalo na magsuot ng face mask. Sa open area din umano ginawa ang party at bakunado ang mga bisita.
Sa pagtaya ng event manager, mahigit 100 katao ang dumalo sa beach party.
"Yung tables kasi na inilagay naman, they were'nt that close. Sa dami lang talaga ng nag-attend, tapos yung nag-e-enjoy talaga sila, it was hard to control. But yun, we kept on reminding them," paliwanag niya.
--FRJ, GMA News